O MAHAL NA ULAN

Running Through the Rain
          Tunay kang biyaya, O mahal na Ulan,
          Na hulog sa amin ng Pusong Maykapal;
          Tubig kang pambuhay sa mga halaman
          At pamatid-uhaw sa lupa na tigang;

          Pag malakas ka't masinsin ang tulo,
          Agad naaakit mga batang puso;
          Kahit na malamig ay nararahuyong
          Sa mga patak mo sila ay maligo.

          Kapag sa kalsada ikaw ay nagbaha,
          Naglulunoy kami sa saya at tuwa;
          Kapag malalim ka, kami'y nagbabangka
          Na para bang kami'y tatawid sa sapa.
       
          O mahal na Ulan! Sadya kang biyaya
          Na dulot sa amin ng Poong Bathala;
          Kapag sa dagdig, ikaw ay namala,
          Itong buhay namin ay kaawawa.

Comments