Sa lahat ng bayang likha ni bathala
Na nagging uliran sa balat ng lupa,
Ay walang hihigit sa bayan kong mutya.
Na lipos ng ganda at pugad ng tuwa.
Ang mga tanawin sa lahat ng dako
Ay nakaaakit sa lahat ng tao;
Sa lilim ng kahoy at luntiang damo
Dulot ay pag-ibig na aliw ng mundo,
Ang mga halamang iba’t ibang uri
At ibong marami na dito’y palagi;
Nagbibigay-sayang walang pagtatangi
Lalo na’t sa pusong kalong pighati,
Ang lahat ng tao sa bayan kong mahal
Ay bukas ang puso at laang dumamay
Sa sino mang api at may karamdaman
Maging ang kalaro’y libong agam-agam.
Ang mga lupain ng bayan kong sinta
Ay bukal ng yaman, susi ng pag-asa,
Kung kaya’t ang lahat ay nahahalina
Na dito’y lumagi’t manirahan tuwina.
Ang lahat ng aking dito’ inihanay
Ay HIYAS NG BAYANG aking minamahal;
Kayong kabataang pinangarap ni Rizal
Dapat magsumikap sa gawang marangal,
Sama-sama tayong magbuhos ng lakas
Sa ikauunlad nitong Pilipinas
Na bansang nagtiis ng libong pahirap
Nguni’t nang magbangon ay lantay na perlas.
Comments
Post a Comment